kahapon na-enganyo akong subukan ang black bat:
isang uri ng mamahaling sigarilyo na purong kulay itim,
parang krayola, amoy at lasang tsokolate ang usok at pipa.
iba kaysa sa karaniwang sigarilyong puti, mumurahin, at amoy sunog
na dahon ng banaba.
nakita ko lang naman yun sa systems administrator namin.
humingi ako ng isa at sinubukang subukan kung ano nga ba
ang meron sa paghitik at pagbuga.
dati ko pa tinatanong sa sarili ko kung ano ang napapala ng
mga taong pilit hinihitit at pinapausukan ang mga baga nila
gayong hindi naman iyon puno, na pwedeng mamunga.
bumili ako ng posporo sa tindahan bago sumakay sa dyip pauwi.
tyempo, may tatlo akong kasabay na naninigarilyo rin. puti. ordinaryo.
kumuha ako ng dalawang palitong posporo at sabay
ikiniskis ito sa magaspang na gilid na bahagi ng kahon.
siklab.
naliwanag ang medyo madilim nang hapon sa loob ng dyip na
sinasakyan namin. napatingin ang mga kasakay kong may haway
na sigarilyo. namangha siguro sila kung bakit itim yung yosi ko
habang puti yung sa kanila; o baka naman nagtataka sila dahil
sa edad ko eh yosi ni lelang ang hihititin ko.
pero tumingin sila.
asteeg ako.
iba ako.
hinitit ko unti-unti at stick na kulay anino. pilit nagpapanggap
na beterano na ako sa pag-upos ng tabako. sabay ihip ng maputi at
amoy tsokolateng usok--- hindi ko naman talaga sinadyang papuntahin
sa direksyon nila ang usok pero dun yun nagpupunta. hindi naman sila
nagreklamo dahil bukod sa may sigarilyo rin sila eh mabango naman ang
usok na nanggagaling sa baga ko.
tatlong beses namatay ang sindi nung yosi ko. pero hindi ko agad-agad
sinisindihan. pinagtatagal ko, para hindi mahalata na namatay yun, at
para rin isipin nilang ang dami kong dalang mamahaling sigarilyo.
hitit.
ipit.
buga.
hindi ko rin naubos ang sigarilyo. natira ang halos isang pulgadang tabako
na nakabalot sa itim na sisidlan, kahit sinabi ko pa sa sarili kong uubusin ko yun.
bumalik na kasi ang logic sa isip ko, na napakawalang saysay ng ginagawa.
ano nga ba ang napala ko sa pahitit sa usok at pagbuga nito? nabusog ba ko? umayos ba ang pagmamaneho nung tsuper ng dyip dahil sa usok na amoy tsokolate? kuminis ba ang kalsada sa paombong?
wala namang nagbago bukod sa naglasang tabako ang laway ko at bumigat ang pakiramdam ko. hindi pala matatakpan ng pinakamaanghang na chewing gum o kendi at sangsang ng usok.
bumalik ako sa mundo-kong-walang-lugar-ang-sigarilyo---kahit isang piraso.
kahit anong lasa o amoy ang balatkayo ng tabako, nananatili at
mananatili pa rin itong isang bagay: panganib sa kalusugan.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home